Thursday, March 05, 2026

SUWERTE-SUWERTE LANG

Minsan kapag nagmumuni-muni ay napapaisip ako nang malalim, 

kung patas kaya talaga ang buhay natin.

Nagkukumpara ako,

kasi habang ako ay hirap makuha ang mga gusto, 

may ibang tao na madali lang makuha ang kanilang gusto.

Mayroong buwenas at mayroong ang suwerte'y hindi nagkakatotoo.


Tila ibong sa paglipad ay pumapagaspas, ako'y napapagod ngunit walang wakas.

Ang mga mata'y nangangahas maging mapalad makita ang buhay na patas.

Kahapon ngayon bukas, may bakas ng pagbigkas sa dasal na wagas.


Nasa punto na ako na malapit ko ng iwanan ang pagtratrabaho,

nang hindi ko man lang naranasan maging kuntento sa aking trabaho at suweldo.

Baka hindi ako kumilos o walang ginawa?

Sinubukan ko naman, ilang beses pa nga.

O baka kulang ang ginawa ko?

Bukod sa dasal, kumakausap ako ng tao, para makiusap baka makatulong kako-wala ring nagkatotoo.

Pero bakit iyung iba, ang suwerte lang na ibinibigay iyung ipinagdarasal nila?

Nakukumpara ko nga sa kanila ang sarili ko.

Merong pareho lang naman ang uri ng aming trabaho,

pero napapaganda sila ng puwesto at suweldo.

Nakikita ko, hindi sa pagyayabang pero mas magaling pa ako

o mas marami pa ang mga ginagawa ko.

O kaya naman sila nakikita ko nakukuha pa mandaya at magloko.

O mayroong dahil sa ugali ay mahirap silang katrabaho,

Merong palapintas, mapanghamak at mayabang o palalo.

At meron pa nga ang buhay ay lihis sa moralidad na nababalitaan ko.

Pero ako na hindi naman - bakit 'di dapuan ng suwerte o milagro?


Tila ibong sa paglipad ay pumapagaspas, ako'y napapagod ngunit walang wakas.

Ang mga mata'y nangangahas maging mapalad makita ang buhay na patas.

Kahapon ngayon bukas, may bakas ng pagbigkas sa dasal na wagas.


Ang iniisip ko na lang, kulang pa ginagawa ko,

kulang pa ang kabutihan ko.

Siguro, kapag umuwi na kami sa kanya-kanyang bahay at kuwarto,

kapag iyung hindi ko na sila nakikita ay baka napakarelihiyoso nilang tao.

Kumpara sa akin siguro'y mas marami sila natutulungan hayag man o patago.

Alam ko wala ako sa posisyon na husgahang mabuti o hindi ang tao

dahil hindi ko alam ang lahat-lahat ng ito.

Iniisip ko na lang, patas lang ibinigay sa akin, sa kanya o sa iyo.

Siguro kailangang kumita sila nang mas malaki dahil mas malaki ang pangangailangan nila, o baka mas marami ang umaasa sa kanila.

Ewan, hindi ko na alam yun kung anuman.

Siguro kung wala man dito sa lupa ang aking totoong kasiyahan,

sana sa ikalawang buhay ay duon ko makikita ang hinahanap kong kaligayahan.

lyung hindi na ako magpapakahirap upang maging maligaya na magiging akin nang walang-hanggang saya.

#UnspokenPoem #SpokenWordPoetry

No comments: