Wednesday, November 30, 2011

NOVEMBER 30

Taon-taon, hindi ko maiwasan na sa tuwing sasapit ang araw na ito ay maghintay ako ng kung ano ang mangyayari.  Kung isang pangkaraniwang araw tulad ng mga nagdaraan, o mayroon kayang magandang bagay ang mangyayari sa akin sa araw na ito?  Ang totoo ay naghihintay ako kung mayroon akong matatanggap sa araw na ito.  Hindi naman ako nag-iisip ng malaki at mahal na bagay dahil hindi ko ipinapalagay ang sarili ko na malaki at importanteng tao.  Pero hindi naman sa kung ano ang gusto kong matanggap kundi yung bakit ko gustong makatanggap.  Dahil gaano man kaliit ay magiging isang napakahalagang oras at bagay sa akin ang sandaling iyon. 

Iniisip ko kasi na kadalasan ay laging ako ang nagbibigay.  Pasko, bagong taon, kaarawan, anibersaryo o yung mga simple ngunit mahalagang okasyon ay pinag-iisipan ko kung ano ang aking maibibigay sa aking kapamilya, kaibigan at kasamahan.  Maliliit na bagay, munting ala-ala o kahit yung simpleng mensahe lang dahil iyun naman ang angkop sa kakayahan at pagkatao ko.  Kung minsan ay sinisikap kong ibigay ang bagay na gusto nila kahit may kamahalan kung alam kong yun ang makakapagpasaya sa kanya dahil gustong gusto iyun niya. 

Gusto kong pag-isipan ang bawat bagay na aking ibinibigay, mga bagay na sinusubukan kong kakaiba dahil gusto kong maaala-ala nila ako kapag nakikita nila ang bagay na iyon na ako lang ang nakaisip na nakapagbigay.  Hindi naman kailangang mahal ang isang bagay, maaaring sariling-gawang bagay, o kahit pagkain na sadyang ginawa para sa kanila.  Sa ganito ko naipapadama kung paano ko sila pahalagahan, kaya hindi ko maiwasan na naghihintay din ako ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa kabutihang ibinibigay ko sa kanila. 

Hindi naman sa nanunumbat ako o kaya ay hindi na ako makapaghintay ng kusang-loob.  Sa palagay ko ay hindi naman sa humihingi ako ng kapalit sa mga ibinibigay ko kundi mag-isip lang na paminsan-minsan ay maghangad din ako na sana ay ako naman ang maabutan lalu na kung sa isang mahalaga at personal na araw.  Tutal ay hindi naman pangkaraniwang araw kaya hindi naman siguro masama ang maghintay ako ng regalo mula sa mga taong mahalaga sa akin.  Maliliit na mga bagay lang naman ang iniisip ko dahil mababaw at simple lang naman ang aking kaligayahan.  Naghahangad din ako na maabutan kahit papaano para pangpalubag-loob sa aking pakikipag-kaibigan, pangpasaya dahil araw ko naman ito.  Ang totoo ay kahit isang maliit na card lamang, kahit isang maliit at totoong pagbati lang ay kuntento na ako dahil kahit papaano ay mararamdaman ko ang kanilang pagmamalasakit sa akin. 

Nuon ay isang banner ng pagbati at nakasulat ang mga pangalan mula sa aking mga kasama sa trabaho ang ibinigay sa akin na hanggang ngayon ay aking itinatago, iniingatan at pinapahalagahan.  Mayroon naman card akong natanggap nuon na labis kong ikinatuwa dahil galing iyon sa mga malalapit sa aking buhay.  Minsan naman ay isang cassete tape ang aking natanggap.  Ang totoo ay mas nagugustuhan ko ang mga maliliit na bagay na tulad ng mga ito kaysa sa mga mamahalin at magarbong bagay.  Hindi ito matutumbasan ng anumang halaga ng presyo habang nakikita ko ang mga bagay na ito. 

Katulad ng mga nagdaang taon, ngayong araw na ito ay umaasa ako na makatanggap ng anumang maliit na bagay mula sa mga iniisip kong tao.  Madalas man akong mabigo tulad ng mga nagdaan taon ay masaya pa rin akong aasa na sana ay mabigyan nila ako ng kaunting kasiyahan na lagi kong babalik-balikang isipin at ipagpapasalamat habang ako ay nabubuhay.  Sana kahit ngayong araw lang na ito ay ako naman ang makatanggap. 



By Alex V. Villamayor
November 30, 2011

No comments: