Sunday, July 05, 2015

NOSTALGIA (Malungkot na Pagbabalik-tanaw)

Sa edad ko ngayon, minsan nararamdaman ko yung lungkot na saktong nararamdaman ko nuong bata pa ako, yun bang walang-wala lang ay bigla kang malulungkotnang walang dahilan at mas gusto mo lamang ay panoorin ang mga naglalarong kapwa mo bata.  Nu’ng ang edad koay nasa8, 9, 10, 11 o 12 pa lamang, sa di malamang dahilan ay bigla na lamang nararamdaman ko ang lungkot.  Kung minsa’y may mga dahilan ngunit maliliit nga lamang tulad ng kapag katatapos pa lang ng ulan, iba kasi ang tingin ko sa paligid kapag natapos ang ulan, bagamat gusto ko ang umuulan dahil nalilinis nito ang kapaligiran.  O di kaya ay yung kagigising ko lamang dahil pinilit akong patulugin sa tanghali at nang magising ng mag-a alas-tres ay marami na ang naglalarong mga bata sa kalye.  Nanonood na lamang at naghihintay ng may magyayaya na sumali ako.  O di kaya ay Linggo nuon tapos bigla naisip kona may pasok na kinabukasan kaya malulungkot ako.  Lalo na kung hindi ka masaya sa eskwelahan, dobleng lungkot ang mararamdaman mo kapag sumasapit ang Linggo ng hapon.  May taon din na naaway (bully) ako, iyung sinusulatan na ang likod ko ay hindi pa rin ako nagagalit dahil ayaw ko ng away (naroon na rin ang takot) at para sa akin ay hindi malaking problema yun. Nuon pa ma’y mapag-isa na ako, dahil maramdamin na ako kapag tinutukso ng kaklase at ibang bata.  Hindi kona sinasabi ang mga ito sa aking mga magulang dahil ayoko na’ng pagusapan pa ang mga iyun.Gusto kong balikan ang mga ito, makita ang aking sariliat muling maramdaman kung paano ako nalungkot ng mga oras na iyun.

Minsan ang bata, dala ang kalungkutan sa loob ng bahay, iyung kapag alam ng bata na sila ay salat sa yaman ay ramdam nila na kailangan na ang isang material sa paaralan ay wala pa siyang madadala.  Dumaan ako sa ganito, yung pinagdadala kami ng lagadera para mayroon kaming kanya-kanyang pandilig sa mga tanim pero napapalo ako ng guro namin dahil hindi ako ibinibili ng lagadera – syempre mas uunahin muna ang ibang gastusin na nauunawaan ko naman.  Hindi naman kami nakakariwasa sa buhay, kami yung masaya na kung mayroong bagong sapatos kapag pasukan, maipaghanda kapag birthday o yung nasusunod ang gusto kapag mayroong gustong laruan sa tindahan.  Nakaranas din ako ng pudpod na tsinelas at yung salawal na manipis na ang puwitan dahil sa sobrang gamit, naghahangad din kapag nakakita ng kapwa ko bata na may tsokolate na bigay ng tatay nilang umuwi galing sa ibang bansa.  Kahit sa ngayon ay nakikita ko pa rin ang sarili ko sa bakod ng aming kapit-bahay na nakasandal lang duon habang pinapanood ang mga nagdaraang mga tao.  Hindi ko na nga lang matandaan ang kulay ng aking suot na damit pero natatandaan ko pa ang pakiramdam ng isang batang nag-iisa.  May hatid lungkot din yung nakikita mo ang ibang ka-edad mong mga bata na mayroon silang sariling grupo (magpipinsan) na pakiramdam mo ay hindi ka bagay na makipaglaro sa kanila.

Pero kahit namay lungkot ang mga taon na iyun ay gusto ko pa rin silang balikan.  Ang masakit at mas nakalulungkot nga lamang kapag naaalaala ko ang mga ito ay hindi na maaaring balikan ang mga nangyari.Minsan lang nating pagdaraanan ang mga iyon, isang beses lang tayong magiging bata, kada taon ay nagbabago ang ating anyo hanggang kung ano ang ating histura ngayon.  Kung may paraan lang sana na makabalik sa nakaraan upang makita ulit ang mga eksaktong bagay na nakikita mo nuong bata ka pa.  Kapag dinadalaw ako ng nostalgia, nararamdaman ko pa rin yung kagustuhan na muling makita ang eksaktong lugar kung ano ang eksaktong hitsura nila nuon.  Yung dating pader na bakod na may mga tumutubong halaman at lumot, mga daanan na lupa lamang, mga pasikot-sikot sa looban ng may-bahay papunta sa ilog, mga lubak sa daan na kapag umulan ay may naipon na tubig na siyang pinaglulubluban ng mga bibe, pagpapaanod ng bangkang papel sa tubig sa kanal.  Ang mga ala-ala ng aking kabataan, ang ilan ay wala na at mga nagbago na, isipin ko pa lang ay nalulungkot na ako.  Ilan lamang ang mga ito sa mga nakaraan na gustong-gusto kong makita muli kahit sandali lamang, kahit yung dalhin lang ako at pagkakakita ay aalis na agad ako.  Ganun ko sila ka-gustong makita na lalong tumitindi kapag nagbabalik-tanaw ako dahil hindi na sila ulit mangyayari at hindi na maibabalik kahit kailan.

Ni Alex V. Villamayor

July 5, 2015

No comments: